Sa araw na ito Hunyo 12, 2020, inaalaala ng buong Pilipinas ang araw ng kalayaan. Ito ang kalayaan na natamo ng mga Pilipino ng ipaglaban ng ating mga bayani ang bansang Pilipinas laban sa mapagmalabis na mga Kastila noong Hunyo 12, 1898. Ngayon ang pang isang daan at dalawamput dalawang taon ng kalayaan.
Ito ay nagyari sa Cavite II el-Viejo o mas kilala ngayon sa tawag na Kawit Cavite sa probinsya ng Cavite sa pangunguna ni General Emilio Aguinaldo. Ang pangyayaring ito ay nakalarawan sa likod ng perang papel na limang piso.
Noong Hunyo 12, 1898 unang iwinagayway ang watawat ng Pilipinas na ginawa ni Marcela Agoncillo sa Hongkong at inawit ang pambansang awit na Lupang Hinirang na sinulat ni Julian Felipe.
Ang pag-alala sa Araw ng Kalayaan na ginaganap tuwing Hunyo 12 ay nilagdaan ni Pangulong Diosdado Macapagal noong Agusto 4, 1964.
Mahaba na ang nilakbay ng mga taon simula ng matamo ng mga Pilipino ang tunay na kalayaan noong 1946, sa pagkasakop ng huling banyagang mananakop na Hapon. Noong 1946 nag-umpisang mamuhay ang mga Pilipino ng malayang pamumuhay na walang anumang impluwensya ng ibang bansa. Datapwa't ang mentalidad na banyaga ay hindi naikubli sa salita man o sa gawa.
Sa panahong ako'y nagsimulang umiral, batas militar ang aking namasdan. Marami ang nagnanais na maibalik ang kalayaang palagay nila'y ipinagkakait ng batas militar. Noong Pebrero 25, 1986, nanaig sa EDSA ang mga Pilipino upang tuldukan ang pamamahala ng mga Marcos sa Pilipinas.
NARITO ANG MGA KALAYAAN SA PILIPINAS
KALAYAAN SA PAMILYA
Ang bawat tao ay nagmimithi ng kanilang sariling kalayaan mula sa mga taong patuloy na humahadlang sa kanilang nais na gawin.
Simulan natin sa pinakamaliit na bahagi ng ating sosyedad, ang pamilya. Ang mga magulang ang nagpapatupad ng mga palatuntunan sa loob ng tahanan at ang buong pamilya ang gumaganap nito. Noong bata pa ang mga anak, sila'y pawang masunurin. Datapwa't pagdating ng panahon na iniisip nilang kaya na nila mabuhay, kalayaan din ang kanilang hinihingi sa mga magulang. Kaya marami ang maagang humihiwalay sa magulang o kaya ang pagaasawa ang kinahahantungan, sa kagustuhang makaalis sa pamamahala ng magulang. Ito ang nangyayari sa bawat henerasyon ng tao, patuloy.
KALAYAAN SA SOSYEDAD
Marami ang nagsisikap na maingat ang kanilang sariling pamumuhay hindi lamang dahil upang makaranas ng maayos na buhay, ngunit upang magtamo ng kalaayan sa mga panlilibak ng ibang tao. Nagmimithing din sila magkaroon ng mataas na antas ng edukasyon, upang maging malaya sa mga nagsasabing sila'y mga mangmang. Ang mga ito'y magandang adhikain sa pagmimithi ng laya.
Ngunit merong mga taong ginagamit ang kalayaan upang manipulahin ang pagiisip ng mamamayan at kabataan. Upang maghasik ng galit at poot, at sulsulan ang mga ito. Ginagamit ang kahirapan upang magtaguyod ng pagkabahabahagi at kalituhan. Ilang dekada na silang sumisigaw ng kalayaan at karapatan na para bang wala sila nito. Ilang gobyerno na ang dumaan ngunit iisa ang hinaing ng mga ito. Ginagamit ang kalayaang meron sila ngayon upang humingi ng mas malawak na kalayaan at karapatan. Datapwa't ang tunay na nais ay sila ang masunod at ibagsak ang bawat pamunuan na iniluklok ng tao.
Sa katotohanan, masaya ang maraming Pilipino sa kalayaang meron sila ngayon dahil may mga bansang walang kalayaan tulad ng sa atin. Ang North Korea, Vietnam, Saudi Arabia at China, ay mga bansang halos walang kalayaan ang mga tao. Datapwa't, sa Pilipinas din merong sobrang paggamit ng kanilang kalayaan.
Tulad sa sosyal media, sa sobrang paggamit ng kalayaan pati pagbabanta at paglait sa ibang tao ay nagagawa. Kahit sa humantong na ang mismong Pangulo na ang nilalait at ang pinaka malupit ay ang pagyurak sa Dios.
KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG
Dito sa Pilipinas lang merong kapangyarihan sa pamamahayag. Hindi lang kalayaan ang meron sila, may kapangyarihan silang magbagsak at magtaas ng isang tao, negosyo, grupo at partido. Dahil sa impluwensya sa mga taong bumabasa, nanonood at nakikinig, nagagawa nilang baluktutin ang mga balita. May mga pahayagang upang mabili ang kanilang balita, binabago ang pamagat ng balita na di naayon sa totoong konteksto ng mga ulat. Ang kalayaang lagi nilang sinasabing kinikitil ng pamahalaan, ay kalayaang ginagamit din nila upang magparami ng pera. Marami ng mamahayag na napaulat na tumatanggap ng bayad sa mga politiko upang maglabas o huwag maglabas ng balita tungkol sa kanila.
Ang pahayagan, telebisyon at radyo ay malaki ang nagagawa upang makaimpluwensya sa pag-iisp ng mga ordinaryong mamayan. Sila ay may kapangyarihan sa pamamahayag, hindi lang po ordinaryong kalayaan.
KALAYAAN SA NEGOSYO
Pilipinas ang isa sa mga bansa na may bukas na pagnenegosyo. Dahil sa kalayaan sa pagkokomersyo, kung saan saan nangagaling na bansa ang mga produktong ibinebenta sa merkado. Higit na marami ang nangagaling sa China. Sa sobrang kalayaan, nakalimutan na natin tangkilikin ang sariling atin, pati ba naman sibuyas na marami sa Pilipinas ay kailangan pang angkatin sa Vietnam? Dahil sa kolonial na mentalidad, na mas magaling ang gawang banyaga, higit na tinatangkilik ang gawa mula sa ibang bansa. Kaya sabi nila mas magaling ang gawang Hapon at Amerika, na mga sumakop sa atin. Nakalaya na ba tayo mula sa kanila?
KALAYAAN SA GOBYERNO
Ang isa sa pinakamahirap pagusapan ay ang kalayaan meron sa ating gobyerno. Maraming kalayaang nagaganap dito na labag sa mga batas na mga tao sa gobyerno rin ang gumawa. Bawal ang korapsyon, ngunit sa bawat ahensya ng gobyerno ay nakagawian na ito, hindi lang dahil may namimigay, kundi may nanghihingi. Ito ang mga kalayaang masama sa paningin ng mga taga-labas ngunit legal sa mga tao sa gobyerno. Bawal ang pagsusuhol sa mga opisyal ng gobyerno, hindi naman nila hinuhuli ang taong nanunuhol. Iyan ang mga sa ilang kalayaan meron sila.
KONKLUSYON
Ang Pilipino ay may sapat na kalayaang kanila tinatamasa ngayon, ngunit marami sa Pilipino ang hindi marunong gumamit nito. Ang kalayaang ginagamit sa kabutihan ay ang totoong kalayaan. Ang kalayaang ginagamit upang tumulong sa bawat pangangailan ng mamayan ay mabuting kalayaan. Ang kalayaang nauukol sa negosyo ay nakabubuti kung ang tinatangkilk ay ang sariling atin.
Hindi tayo kulang sa kalayaan, ngunit dahil sa mga pansiriling kapakanan, iyong inaakala na ang proteksyong ibinibigay sa atin ng pamahalaan ay pagkitil sa ating kalayaan.
Sa mundong ito maraming tao ang hindi malaya, dahil patuloy sa paggawa ng masama. Hanggang ngayon ay alipin ng kasamaan at alipin ng sanglibutang ito. Hanggang ngayon ay hindi laya sa kasalanan. Ngunit merong mga taong nakalaya na sa kasalanan nung makilala ang Dios na lumalang na nakasaad sa banal na nakasulat, ang Biblia.
May punto ka rin po pero hindi naman po kasi lahat nakukuha mo ng walang tukong sa iba. Oo gusto mong maging malaya pero kung may pumipigil sayo. Mahihirapan kang kamitin ito.
Well written po at very informative.. salamat sa pagpaalala.
Salamat po sa iyong pagbisita bro! Ohh di ba marami tayong naishare. Nagustuhan ko kaya yung sinulat mo bro. At salamat sa pagbasa sa comment ko kanina.
wala pong anuman, kapag nasa mood talaga bumibisita ako mg mga post especially sa mga pinoys post.. salamat din
Maligayang paalala ng ating kalayaan Laban sa mga mananakop ng ating lupang sinilangan!
Sana makamit din natin ang kalayaan mula sa Covid-19 para Malaya na tayong makapaglibot gaya ng kinaugalian natin.