Gabay sa Pagsulat ng Maikling Kwento

in Hive PH5 years ago (edited)

Magandang araw sa lahat ng Filipino Hivers saan mang panig ng mundo!

Narito tayo ngayon upang magbahagi ng iilang tips sa pagsusulat ng maikling kwento. Ngunit bago tayo magsimula, ano nga ba ang maikling kwento?

Ang maikling kwento ay isang anyo ng panitikan na pinagtutuonan ng pansin ang pagsasalaysay at paglalarawan ng pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan at naglalayong magbigay ng aral o libang sa mambabasa.

Ang kwento ay tinatawag na dagli kapag ang bilang ng mga salita ay naglalaro mula 500 hanggang 1,000. Tinatawag naman itong tradisyonal kapag ang bilang ng mga salita ay naglalaro mula 1,500 hanggang 5,000.

Sa nauna nating post, tinalakay natin ang iilang tips sa pagbabahagi ng malikhaing pagsusulat. Ang mga tips na iyon ay maaari din nating sundin sa pagsusulat ng maikling kwento sapagkat ito ay isa ring anyo ng malikhaing pagsusulat.

Ngayong may ideya na tayo sa pagsusulat ng maikling kwento, talakayin naman natin ang isa sa pinakamahalagang tips sa pagsulat nito.

Show, Don’t Tell

(Huwag Lang Magsalaysay, Ipakita Mo Rin)

Maaaring ilang beses na nating narinig ang payo na ito mula sa mga manunulat, subalit madalas pa rin itong nakakaligtaan ng karamihan. Ano nga ba ang ibig sabihin ng payo na ito? Tara’t himayin natin ang pagkakaiba ng pagsasalaysay (telling) at pagpapakita (showing).

Alam natin na mahalaga ang maayos na pagsasalaysay sa ating kwento. Subalit kailangan din nating malaman ang kahalagahan ng pagbabalanse nito sa pagsusulat. Ang kalabisan sa paggamit ng payak na pagsasalaysay ay maaaring magbigay ng kawalan ng buhay sa ating pagkukwento.

Upang maging interesado ang ating akda, malaki ang maitutulong kung dadalhin natin ang ating mambabasa sa loob mismo ng ating kuwento sa pamamagitan ng pagpapakita sa ginagawa ng tauhan, sa lugar ng pinangyarihan, at higit sa lahat ay ang emosyong nararamdaman ng mga tauhan.

Narito ang mga payo kung paano mabibigyang buhay ang ating kwento sa pamamagitan ng pagtuon ng pansing magpakita (show) sa halip na magsalaysay (tell) lamang.

  • Paglalarawan

Hindi lang ang paggamit ng mga pang-uri at pang-abay ang batayan upang masabing tayo ay naglalarawan. Ang paglalarawang tinutukoy natin ay ang pagbibigay ng imahe sa mga pangyayari upang lubos na makuha ng ating mambabasa ang nais nating ipabatid sa kanila.

Halimbawa:

Payak na pagsasalaysay (telling)**:

  1. Nang makitang niyang may ibang kasama ang kanyang kasintahan, wala siyang ibang nagawa kundi ang umiyak na lamang at makaramdam ng galit.
  1. Pinapatahan niya ang umiiyak na sanggol.

Pagpapakita (showing)**:

  1. Nabato siya sa kanyang kinatatayuan habang dahan-dahang nararamdaman ang hindi maipaliwanag na emosyong gumagapang sa kanyang sistema. Tila sinaksak ng ilang libong patalim ang kanyang puso habang hindi namamalayan ang pag-agos ng maligamgam na likidong nag-uunahang kumawala mula sa kaniyang mga mata.
  1. Habang kalong niya ang sanggol sa kanyang kandungan, sinubukan niya itong patahanin sa kanyang paghehele.
  • Gumamit ng Pandamdam na Lenggwahe

Upang lubos na maramdam ng mambabasa ang emosyong nais nating ipabatid, makatutulong na gumamit tayo ng angkop na mga salitang makapupukaw sa kanilang pandama. Mas mainam na madadala natin sila sa pangyayari kapag nakuha rin nilang makita, malasahan, maamoy o marinig ang kung ano mang pangyayaring nasa kwento.

  • Gumamit ng Diyalogo

Ang diyalogo ay nakatutulong din upang mas makilala natin ang mga tauhan o relasyon ng mga tauhan sa kwento. Bukod d’yan, ito rin ay nakatutulong sa dahan-dahang pagkabunyag ng balangkas ng kwento at alitang isinisingit upang maging kapana-panabik ang mga pangyayari.

Upang magkaroon pa ng ideya sa ating tinalakay sa sulating ito, maaari mo ring basahin ang mga sumusunod na halimbawa ng maikling kwento na nakatuon sa pagpapakita sa halip na payak na pagsasalaysay lamang.

Iyan ang ilan sa mga mahalagang gabay sa pagsusulat ng maikling kwento. Nais ko ring ipaalala na bago isapubliko ang ating sulatin, basahin muna natin ng makailang beses upang makita kung may mali sa ating isinulat at nang maiwasto ito. Mas nakakapukaw rin ng interes ang paglalahad ng presentableng akda kaya bigyan din ng oras ang pagwawasto nito.

Maraming salamat sa pagbabasa at nawa’y mayroon kayong natutunan sa ating tinalakay ngayon. Hanggang sa muli! : )

:۞:••:۞:••:۞:••:۞:••:۞:

PATIMPALAK

Ngayong nabasa mo na ang gabay sa pagsusulat ng maikling kwento, inaanyayahan namin ang lahat na lumahok sa patimpalak ng Hive PH. Hinihikayat namin na kayo ay magsulat ng isang maikling kwento. Maaari niyong isulat ang kahit na anong paksa, tema, o prompt. Ang susuriin ng mga hurado ay kung paano naglarawan ang awtor sa kaniyang kwento.

Subukan g amitin ang mga gabay na inilahad ni @jemzem sa artikulong ito. Paganahin ang imahinasyon, linangin ang kasanayan. Maglarawan imbes na magsalaysay. Subukang dalhin ang mga mambabasa sa loob ng kwento.

Para makasali, magsulat lamang ng isang maiksing kwento na hindi bababa sa 500 salita at hindi lalampas sa 1000 salita. Huwag kalimutang banggitin sa iyong post na iyon ay ang iyong opisyal na entry sa patimpalak. Ilagay din ang #hiveph o ipost ang entry sa Hive PH Community. Mangyari rin na i-comment sa post na ito ang link ng iyong lahok.

Ang mananalo sa patimpalak nito ay gagantimpalaan ng 300HP na delegation sa loob ng dalawang linggo. Bukas para sa lahat ang patimpalak na ito. Maaaring magsumite ng inyong mga kwento hanggang sa payout ng post na ito.

Hihintayin namin ang inyong mga kwento!

:۞:••:۞:••:۞:••:۞:••:۞:


Sort:  

Congratulations @hiveph! You have completed the following achievement on the Hive blockchain and have been rewarded with new badge(s) :

You distributed more than 400 upvotes. Your next target is to reach 500 upvotes.

You can view your badges on your board And compare to others on the Ranking
If you no longer want to receive notifications, reply to this comment with the word STOP

Support the HiveBuzz project. Vote for our proposal!

Subukan natin to.
Shared and reblogged.

Thank you. :)

So helpful. 💖