Isa mga inaasam-asam ko bilang isang panganay na anak ay makitang unti-unti ay naabot ng aking mga kapatid ang kanilang mga nais sa marating. Walang nang hihigit pa sa tanawing ang bawat isa sa kanila ay may kanya-kanya nang magagandang buhay balang araw. At ang isiping may parte ako sa kanilang tagumpay ay bagay na hindi kailan man matatawaran ng kahit anong kayamanan.
Bata pa lamang ako ay sinanay na ako ng aking mga magulang na maging responsable sa lahat ng pagkakataon sa aming tahanan lalo na kung sila ay nagtatrabaho at wala sa bahay. Ako ay may tatlong kapatid at bawat isa sa kanila ay inalagaan ko na simula noong ako'y bata pa. Bagama't ang aking kapatid na babae na sumunod sa akin ay isang taon lamang na mas bata, ay malaking porsyento ng pagiging pansamantalang magulang sa kanilang tatlo ay napunta sa akin. Kaya't noon pa ma'y pinangarap ko nang matulungan ang aking mga magulang sa paguporta sa kanila, lalo't higit sa mga pangangailangang pinansyal at pangtustos sa kanilang pag-aaral.
Masarap magplano. Kaysayang pagtagni-tagniin ang mga binuo kong pangarap para sa aking mga kapatid.
Ngunit hindi naging madali ang aking naging hakbangin lalo't nagkaroon ako ng mga pagsubok sa buhay na akala ko'y hindi na magwawakas. Nawala ang aking konsentrasyon sa pagtulong sa pamilya. Nabigo akong makasuporta ng buo sa kanila. Nagkaroon ng ibang pangarap ang aking sarili na talagang mali at taliwas sa daang nais kong tahakin noong una. Akala ko'y hindi na ako makakabawi.
Ngunit sa tamang panahon na ipinagkaloob ng Panginoon, nailihis ako sa maling mga bagay na aking inuna at muli Niya iwinasto ang aking landas.
Doon ko nakitang hindi lamang ang mga pangarap kong mapagtapos sila ng pag-aaral ang natutupad. Pati na rin ang lihim kong asam na sila'y lumaki at magkaedad na may malasakit at pagmamahal sa iba.
Oo nga't maraming pagsubok kaming pinagdaraanan bilang isang pamilya, may mga pagtatalo tungkol sa maraming bagay, ngunit patuloy pa ring nangingibabaw ang pagmamahal.
(Ang aking kapatid na bunso habang nakikipaglaro sa aming kalabaw.)
Madalas kaming magtulong ng aking kapatid na babae sa mga gastusin sa bahay at sa pangkalahatang pangangailangan ng aming mga magulang at dalawa pang nakababatang kapatid na lalaki.
Sa ngayon, ang aking kapatid na babae ay nakatapos na sa kanyang pagsasanay sa wikang Koreano at naghihintay na lamang ng pagsusulit na manggagaling sa POEA o "Kawanihan para sa Empleyong Panglabas" upang tuluyan na niyang matupad ang matagal na niyang gusto na makapangibang bansa. Ang aking pangatlong kapatid ay nakapagtapos na ng dalawang taong kurso sa kolehiyo at bagaman hindi pa pinapalad matanggap sa kanyang paghahanap ng trabaho, ay katuwang naman ng aking ama sa mga gawaing bukid. Ang bunso naman namin sa ngayon ay nasa Ika-labindalawang baitang na at magtatapos na sa darating na Marso. Abala sa pag-aaral ngunit sinisigurado namang siya'y naaasahan din sa bukid ng aking ama.
Kaunting hakbang na lamang siguro ang aming bubunuin. Abot-kamay na ang lahat. Hindi magtatagal at ang lahat ng iyo'y bubulaga na sa amin. Sandali na lang ang ipaghihintay kaya't patuloy lang kaming lalaban.