Gipit na gipit sa pera si Lea. Hindi sa personal na luho niya gagamitin ang pera kundi sa pagpapaopera sa ina niyang may sakit sa puso. Ngunit simple lamang ang kanyang trabaho. Maliit lang ang kanyang sweldo sa kabila ng katotohanang isang napakalaking kompanya ang kanyang pinapasukan. Ngunit may isang bagay na mayaman siya: tiwala. Malaki ang tiwala ng mga nakakataas sa kompanya sa kanya. Ngunit ang tiwalang iyon ay hindi kayang sagipin ang kanyang ina mula sa bingit nang kamatayan.
Sulsol ni Moira ay napilitan siyang pumayag sa plano nito: ang kumupit sa maituturing na sentimo sa kayamanan ng kompanya para ipambayad sa pagpapaopera ng kanyang ina. Alam niyang sa pagpayag dito ay kapahamakan ang kanyang matatanggap. Malaking pagbabago ang magaganap sa kanyang buhay at alam niyang wala nang atrasan ang kanyang pinasukan. Oras na gawin niya ang napagkasunduan, hindi na niya magagawa pang makatakas sa mga bakal ng bilangguang siya mismo ang gumawa.
Dahil sa mundong kanyang panibagong titirhan, wala nang puwang ang katulad niyang isang mabuti, tapat, at inosenteng tao. Ang mundong kinasasadlakan niya ay para lamang sa mga mulat ang mga matang nakikipaglaban sa malupit na tadhana; isang mundong bilanggo ang mga may mabubuting loob at ang mga sakim naman ang malaya.
Maingat kong binuksan ang pintuan ng silid na pinapahingahan niya. Malalim na ang gabi at nakakasigurado akong kami na lamang dalawa ang natitira sa ikalimang palapag ng Empire Building. Hindi naging madali para sa akin ang gawin ang hakbang na ito. Anuman ang desisyong mabuo ko ay magtatakda sa aking kapalaran.
Hindi gaanong malaki ang silid na pinasukan ko kaya madali ko siyang nakita. Lumapit ako sa kinaroroonan niya at habang ginagawa ko iyon, nakamasid lang siya at nginingisihan ako. Isang ngiting nang-aasar.
"It's good to see you again, Lea Garcia. Akala ko ay hindi ka na sisipot sa pinag-usapan natin", wika niya. Sinamaan ko siya ng tingin na lalong nagpalaki sa ngisi niya.
"Alam mong hindi kita matatakasan, Moira. Kahit alam kong maaari kong piliing huwag ka nang makita ay hindi iyon maiiwasan."
Humalakhak siya. "Nagagalak akong malaman iyan, Lea. Minsan man ay tinanong ko rin sa aking sarili kung bakit hindi mo magawa ang hindi ako makita. Sabi mo nga, maaari naman, pero bakit hindi?" Nagtatanong ang kanyang mukha bagaman alam kong inaartehan lang niya ako. "Marahil ba ay... may parte na rin sa loob mong... kinikilala ako? Gusto mo na bang makipagkasundo sa akin, Lea?"
Umiling ako nang umiling. "Hindi ako naparito para pumayag sa kasunduan. Narito ako para patigilin ka sa pagkontrol sa buhay ko", Tinitigan ko nang mariin ang kanyang gulat na mukha. Ang isip ko ay nagdidiwang na makita siyang ganoon. Ngunit biglang nagbago ang ekspresyon niyon. Ngumisi na naman siya.
"Oh? Talaga nga bang sigurado ka na sa sinasabi mo, Lea? Baka sa huli ay magsisi ka. Baka sa susunod na araw ay magmakaawa kang tanggapin kitang muli", nanatili akong nakatanaw sa kanya, hinihintay ang susunod niyang sasabihin. "Pero huwag kang mag-alala, kailanman ay hindi kita iiwan. Tatanggapin at tatanggapin pa rin kita."
Sumiklab ang galit sa puso ko. Sumosobra na siya! "Hindi iyan mangyayari! Buhay ko ito, Moira! Buhay ko! Kaya wala kang karapatang panghimasukan ang mga desisyong gagawin ko!"
"Hindi kita kinokontrol, Lea. Narito lamang ako para bigyan ka ng mga payo. Ikaw pa rin naman ang magtatakda ng kapalaran mo." Ilang beses kong iniling ang ulo ko. Inaalis ang mga ideyang pinapasok niya sa isip ko. Hindi maaaring magpadala ako sa kasamaan niya. Kailangan kong manatiling mabuti at matapat. "Kailangang-kailangan mo ang pera ng kompanya, Lea. Bakit hindi mo gawin ang suhestiyon ko? Lubos-lubos ang tiwala ng mga nakakataas sa'yo kaya kumupit ka man ng ga-sentimo sa kayamanan nila ay hindi nila iyon mapapansin. Hahayaan mo na lang bang mamatay ang ating ina? Alam mong hindi siya maooperahan sa puso kapag hindi ka nakapagbayad!" Galit na ang kanyang boses ngunit nanatiling kalmado ang mukha niya.
"Hindi ko magagawa iyan. Sabi mo nga ay pinagkakatiwalaan nila ako. Hindi ko maatim... na baliin ang tiwala nila sa akin." Garalgal na ang aking tinig. May parte na sa akin ang nagdadalawang-isip sa aking sinabi.
"At ano! Magagamot ba ng tiwalang iyan ang ating ina? Anong mangyayari kapag pinairal mo iyang pagiging inosente mo sa reyalidad? Anong magiging kapalit? Ang buhay ng babaeng nagsakripisyo para sa sa'yo!"
"Marami pang paraan para sa problemang ito. At alam ko ring hindi gugustuhin ni ina ang gagawin ko. Pinalaki niya tayong maging mabuti, malayo sa karahasan at kasamaan. Pinalaki niya tayong inosente ngunit ikaw lamang ang lumihis, Moira."
"Sa simula pa lang ay sakim na ang mundo pati na ang mga tao, Lea. Kailangan mong imulat ang iyong mga mata at tanggaping wala nang taong inosente na sinasabi mo. Sa hirap ng buhay ay kailangan mong gawin ang lahat manatili lang ang mabuhay. Akala mo ba ay malinis ang konsensya ng mga taong pinaglalaanan mo ng tiwala? Mas sakim sila! Kaya bakit mo ipepreserba ang tiwalang sinasabi mo sa mga taong ito?" Hindi ko na napigilan ang pagdaloy ng luha. Ayokong pumayag. Ayoko talaga. Kanina lamang ay buo ang desisyon kong humindi. Pero habang nakikinig sa mga sinasabi niya ay nagdadalawang-isip na ako. "Tama ka! Marami pa naming paraan para sa problemang ito. Pero kalian mo mahahanap ang pera, Lea? Kapag nailibing na ang katawan ng ating ina? Kapag wala ng pag-asang makasama pa natin siya? Alam mong konti lang ang oras natin. Kaya kahit ayaw mo ay wala kang magagawa. Narito ako, Lea. Tandaan mo iyan. Kaya kong gawin ang lahat, mapasunod ka lamang."
Alam kong mali. Alam kong pagsisisihan ko ang desisyong ito. Kapag man pumayag ako sa gusto niya, matatali na ang leeg ko. Hindi ko na magagawa pang tumakas sa mundong papasukin ko. Isang mundong mulat sa totoong sitwasyon ng mga tao; mundong pinagkaitan na nang totoong kapayapaan, sagana sa kaalaman na kinakasangkapan ng kasamaan.
Mapait akong ngumiti habang patuloy ang pag-agos ng aking luha. "Alam mo talagang hindi ako hihindi di ba? Alam mong wala akong magagawa kundi ang tanggapin ka. Alam mong kahit alam kong magiging bilanggo ako ng mundong sinasabi mo ay papayag pa rin ako. Para sa kanya. Para kay ina." Mas lumapit ako sa kanya. Mahigpit akong humawak sa dulo ng mesa. Mariin kong pinikit ang aking mga mata. "Isa itong pagkakataon para makalaya ka at kapalit nito ang kalayaan ko. Pero kahit na ganoon, sige, pumapayag ako. Pumapayag na ako!" Isinigaw ko nang malakas ang huling linyang binitawan ko. Hindi ko na napigil pa ang aking sarili at inihagis ko sa salamin ang vase na nahawakan ko. "Aaaaaaaaaaah! Aaaaaah!" Sigaw ako nang sigaw habang naririnig ko ang kanyang halakhak. My fate is sealed. I am now her prisoner. Her slave.
Tatlong araw na ang nakalipas. Nagawa ko nang matagumpay ang pagkupit nang pera sa kompanya. May parte pa rin sa akin ang nakokonsensya pero lagi ko na lamang itinatanim sa isip ang mga sinabi niya. Mas sakim sila sa akin. At hindi sila karapat-dapat na gawan ko ng mabuti gayong ang binabalik lang din naman nila ay kasamaan sa mundo. Napaopera namin si ina at naging matagumpay iyon. Walang alam si ina sa ginawa ko. Dahil alam kong sisisihin niya ang kanyang sarili. Sasabihin niya sa aking siya na pinalaki akong maging mabuti at inosente sa kasamaan ay naging dahilan din para manakaw iyon sa akin.
Alam nang nakatataas sa kompanya ang ginawa ko. Napakadali nilang nalaman iyon, salungat sa sinabi sa akin ni Moira. Akala ko ay katapusan ko na. Pero tama nga ang sinabi niya. Masama sila. Masama ako. Pinalampas nila ang nangyari at sa ganoon kaliit na panahon ay nagawa naming gamitin ang bawat isa para sa mga hinahangad namin.
Ramdam ko na ang bawat piraso ng bakal na nagkukulong sa bawat bahagi ng isip ko. Alam kong anumang sandali ay tuluyan na akong magiging alipin niya. Makakalaya siya at ako ang hahalili sa kanya. Ito na ang kapalaran ko. Mananatili na lamang akong isang kathang-isip at dadating ang panahon, makakalimutan ako nang mundo at tuluyan ring mawawala.
Maaga akong pumasok sa opisina. Pinatawag ako ng nakatataas sa kompanya. Alam kong tungkol na naman ito sa pagnakaw ko ng pera ng kompanya. Pero hindi ako nababahala.
Iniba ko ang aking pananamit. Pinaiksi ko ang aking saya. Nagsuot ng sandal na may mataas na takong. Naglagay ng kolorete sa mukha at pulang lipstick sa labi. Hindi na ako ang dating Lea na inosente. Nang tanggapin ko ang kapalaran ko, kasabay nito ay binago ko na rin ang lahat sa akin. Dapat akong makibagay. Dapat akong sumabay sa takbo ng mundo. Ang masamang mundong ginagalawan ko ngayon ay nararapat lamang sa mga katulad ko. Wala nang lugar ang mga mabubuti at inosente.
Dahil hindi na ako si Lea. Ako na ngayon siMoira. Si Lea Moira Garcia.