Ang isang beses ng pagsabi ng "Mahal kita" ay sinuklian lang niya ng "May mahal akong iba.
Her Point of View
"Mahirap ba ang magmahal?" tanong sa akin.
"No." I immediately answered. At sa hindi namamalayang pagkakataon, napangiti ako.
"Mahal mo pa ba ako?" nakasulat sa papel na ginagamit naming komunikasyon. Nakaharap siya sa akin, isang metrong haba na mesa ang nakapagitan sa amin. Habang siya ay seryosong nakatitig sa akin, naghihintay ng sagot ko.
I sighed. At nagsimulang isulat ang sagot kong paulit-ulit ko nang sinasagot sa paulit-ulit niyang tanong. "Oo."
Kung sa ibang sitwasyon siguro ay kikiligin ako. Tinatanong ako ng mahal ko kung mahal ko pa ba siya. Sinong hindi matutuwa sa ganoon? Ako lang yata.
Nagsimula ulit akong magsulat sa papel. Nararamdaman ko ng bagot na bagot siya kaya kahit gusto kong patagalin ang pagkakataong makasama ko siya ay wala akong magagawa kundi ang magmadali na lang. Ayoko siyang magalit sa akin. Nang higit pa sa nararamdaman na niya.
"Ako ba, mahal mo na?" iniharap ko sa kanya ang papel. Umaasang baka magbago na ang sagot niya. Pero gaya ng dati, isang malaking "HINDI!" ang sagot niya. Gaya ng dati, iniwan niya akong mag-isa sa lugar kung saan nagsimula ang aming pagkakaibigan. Sa lugar na naging saksi ng pagkawasak ng aming pagsasamahan. Ang dahilan? Simple lang.
Ang isang beses kong pagbigkas ng "Mahal kita." na sinuklian niya ng "May mahal akong iba."
Magkaibigan na kami simula pagkabata. Magkaibigan ang mga magulang namin kaya kami rin ay naging magkaibigan. Panay ang punta namin sa bahay nila tuwing linggo dahil bonding time daw iyon ng dalawang pamilya sabi ni Mommy. Mahiyain ako noon at mailap sa mga tao. Sa katunayan, kung hindi siguro magkaibigan ang pamilya namin, wala akong makikilalang siya. Sa buong buhay ko, siya lang ang naging kaibigan ko. Siya rin ang nagtatanggol sa akin sa mga bully. Siya ang naging kapatid, karamay, kaasaran ko sa bawat araw. Na kalaunan, siya'y naging pinakaimportanteng lalaki sa buhay ko.
Pero hindi lingid sa kaalaman kong may mahal siyang iba. Nang malaman kong may nagugustuhan siya, kinabahan ako. Natakot.
Siya lang ang nag-iisang taong naging bahagi ng pagkatao ko bukod sa pamilya ko. At natatakot akong kapag may ibang taong kukuha ng atensyon niya, iiwan niya ako.
I tried diverting his attention to mine again. Kahit nagmumukha na akong desperada, ginaya ko kung anong ginagawa ng babaeng nagustuhan niya. Sumali siya ng dance group, sumali din ako kahit hindi naman ako magaling sumayaw. Matalino siya, nag-aral lalo ako para tumaas ang grades ko at malagpasan siya. I even copied the way she wears her clothes. Pero lahat ng yun, balewala lang pala. Dahil sa simpleng pagtatapat ko lang, nasira ang lahat.
Hindi doon nagtatapos ang lahat. Mas desperada pa yata ako sa pinakadesperadang tao. Mas tanga sa pinakatanga. Mas bobo sa pinakabobo. Yung tipong ayaw na nga niya sa akin, pinipilit ko pa rin.
"Bakit ba hindi mo maintindihan na si Angel ang mahal ko? Ano bang mahirap intindihin doon? Siya at siya lang ang mamahalin ko. At hindi ikaw siya. Hinding-hindi kita magagawang mahalin kailanman."
Masakit. Sobra. Alam ko namang hindi ako ang mahal niya eh. Pero yung ipamukha at sabihin pa sa aking hindi. Na hindi niya ako mamahalin. Masakit. Parang tinusok yung puso ko eh.
Hindi ko na alam ang ginawa ko noon matapos niyang sabihin sa akin iyon. Basta ang alam ko lang, pagkagising ko kinaumagahan, nasa ospital na ako. Attempted suicide.
Sobrang galit sina Mom at Dad. Ano daw ba ang dahilan ko para gawin iyon. Gusto kong sabihin sa kanila ang totoo pero baka siya pa ang pag-initan. At maging dahilan pa lalo ng pagkamuhi niya sa akin.
Doon ko narealize ang katangahan ko. Ano bang problema? Nagmahal lang naman ako di ba? Bakit pa umabot sa ganito, Maddi?
After that incident, I decided to let go. I know it's hard. But I need to do it. Hindi na ako 'to. Sobrang hindi na.
I tried befriending him again. Kaibigan na lang. Kahit yun na lang. He accepted it, but he has a deal with me.
"Do you still love me?" sinulat niya sa papel.
"Yes." I answered through paper.
And then he left. Again. Ganoon ang palaging eksena naming dalawa. He never utter a word with me. Simula ng tinanggap ko ang deal, yun na ang paraan namin ng komunikasyon.
Hindi ako pwedeng makipag-usap sa kanya hangga't mahal ko pa siya.
Ilang linggo ang lumipas, nalaman ko na lang, sila na pala ni Angel. At mahal ko pa rin siya. Umiyak ako. Iniyak ko lang lahat. Ayoko na ulit gawin yung pagkakamaling ginawa ko dati. Yung tapusin ang buhay ko.
"Mahal mo pa ba ako?"
"Oo."
"Kailan ba 'yan magiging hindi?"
"Hindi ko alam. Hintayin mo lang please. Mawawala din 'to."
Saka siya umalis. Nakita ko pa siyang kaakbay ang girlfriend niya. Malungkot akong tinatanaw sila. 'Wala nga ba talagang pag-asa?'
Ilang araw nang hindi kami nagkikita. Busy siguro sa girlfriend niya. Kahit ilang beses kong tanggalin sa isip ko ang katotohanang iyon, hindi pa rin mawala. Napakamasokista ko talaga.
Minsan naman, nakikita ko sila sa garden, malapit sa lugar kung saan kami tumatambay noon. Ang sweet nila. Maraming boto sa love team nila. Kaya lalong nakakapanghina.
"Mahal mo pa rin ba ako?" pinakita niya agad sa akin ang papel pagkarating niya sa pwesto niya.
"Oo." sagot ko sa tanong na iyon. Marahas siyang napabuga ng hangin.
"Kailan ba 'yan mawawala? Puro na lang OO ang sagot mo eh!"
Hindi ako nakasagot.
"Alam mo, itigil na lang natin 'to. Kabaliwan lang tong ginagawa natin eh. Tigilan na natin to, okay." papaalis na siya ng hawakan ko siya braso. Gusto ko nang magsalita pero hindi pwede di ba?
"May sasabihin ako sa'yo."
Hindi siya sumagot at hinintay lang akong magpatuloy.
"Si Angel. Nakita kong may kahalikan sa classroom ninyo." pagtatapat ko.
Sa halip na paniwalaan ako, mas nagalit pa siya sa akin.
"Ano bang pinagsasabi mo diyan, ha? Sinisiraan mo ba ang girlfriend ko sa akin? Pinapalabas mong niloloko niya ako para makuha mo ko sa kanya?" napasigaw siya sa galit.
"Hi-Hindi. Mali ka. Nagsasabi---" marahas niyang inalis ang pagkakahawak ko sa braso niya.
"Tama na! Kung inaakala mong magtatagumpay kang siraan kami, pwes, mali ka. Itigil mo na yang kahibangan mo, Maddi. Dahil sumosobra ka na! Kung hindi ka lang babae ay baka nasaktan na kita!" napaatras ako sa sinabi niya. Galit siya. Galit na galit siya. Ito ang unang beses na makita ko siyang magalit nang ganito.
Ganoon ba talaga niya kamahal si Angel? To the point na kahit niloloko na siya, hindi pa rin niya pinaniniwalaan. Totoo naman ang sinasabi ko ah. Talagang nakita ko si Angel na may kahalikang lalaki sa classroom nila.
Noong una, gusto ko sana siyang sugurin at sampalin. All this time, niloloko niya lang ang lalaking mahal ko. Pero hindi ko ginawa. Dahil baka magalit pa siya sa akin.
Pero yun din ang kinalabasan eh. Nagalit pa rin siya sa akin.
Sinubukan ko ulit magpaliwanag sa kanya. Pero wala eh. Ang girlfriend pa rin niya ang pinaniniwalaan niya.
"Kilala mo na ako. Bakit hindi mo ako magawang paniwalaan man lang?"
"Yun na nga, Maddi eh! Kilala kita. Kaya nilalayo ko na ang sarili ko at si Angel sa'yo. Dahil baka sa susunod, higit pa sa ginawa mo ang gagawin mo pa." I was taken aback then. Kilala niya ako. Kaya sila lalayo sa akin.
"Wala ba talaga? Kahit kaibigan na lang. Kahit 'yun lang. Hindi na ba pwedeng ibalik?"
"Huwag ka ng umasa. Hindi na mangyayari 'yon." at sa pagkakataong iyon, ramdam ko na ang pagguho ng mundo ko. Iniwan niya ako. Para sa girlfriend niyang niloloko lang siya.
Naisip ko ulit ang magpakamatay. Pero nangako ako kina Mommy. Na aayusin ko ang buhay ko. Hindi na ba talaga ako nadala? Wala nga di ba? Bakit ang hirap tanggapin yung mga salitang, "Hindi kita mahal?"
Kung noon sana ay okay na sa akin ang "Kaibigan lang ang turing ko sa'yo." Pero ngayon, pati iyan ay nawala na. Napalitan na ng "Kinamumuhian na kita."
Nagpatuloy ang buhay ko nang wala siya. Bagama't nakikita ko pa rin sila sa school, wala na ang dating pansinan. Hindi na rin ako bumalik sa lugar na tinatambayan namin. But someday, makakaya ko ring puntahan iyon ulit. Yung kahit ilang beses ko pang ikutin ang lugar, nananatili pa rin sa isip ko ang mga alaala namin, pero wala na 'yung lungkot at sakit. Someday, magagawa ko rin iyon.
Napadaan ako isang beses sa pwestong iyon. Nakita ko siya doon. Nag-iisa. Nakayuko. At umiiyak. Alam ko kung ano ang dahilan ng pag-iyak niya. Break na sila ni Angel. Nalaman na niya ang katotohanan. At pinagpalit siya nito sa ibang lalaki.
Nagdadalawang-isip ako sa paglapit. Dahil baka ipagtabuyan lang niya ako ulit. Pero hindi ko kayang makita siyang ganoon. Ito ang pinakaunang beses na nakita ko siyang umiiyak.
Ang swerte ni Angel. Iniyakan pa siya ng lalaking mahal ko. Pero tanga siya. Niloko pa niya.
Laking pasasalamat ko at hindi niya ako pinalayo. Nagsisisi siyang hindi siya naniwala sa akin. Humingi ng tawad. Habang ako ay pinapatahan siya.
Hindi naging madali para sa kanya ang lahat matapos iyon. Sobrang mahal niya talaga si Angel eh. Mahirap palitan. Mahirap kalimutan. Pero hindi ko siya iniwan. Dinamayan ko siya sa bawat pag-iyak niya.
Nagsimula muling nabuo ang pagsasamahan namin. Bumalik ulit yung noon. Noong hindi pa dumating si Angel sa buhay niya.
Naging masayahin ulit siya. Merong nagbago. Hindi na ako yung mailap sa mga tao. Mayroon na rin akong mga kaibigan bukod sa kanya. At masaya siya para sa akin. Masaya na rin ako para sa kanya.
May usapan kami isang araw. Nagkita kami sa pwesto namin. May sasabihin kasi ako sa kanya.
Bigla na lang niya akong kinulbit. Saka ipinakita sa akin ang isang papel.
"Mahal mo pa ba ako?" nakasulat doon. Hindi pa ba niya kinalimutan iyon? Hindi ko na nga inuungkat iyan eh dahil baka layuan na naman niya ako.
Ngumiti ako sa kanya saka kumuha din ng papel at nagsulat.
"OO." Totoo. Mahal ko pa rin siya.
Ngumiti siya na ipinagtaka ko. Nagsulat na lang ulit ako. Napansin ko ring may sinulat siya.
"But don't worry. Kaibigan na lang kita. I moved on. Ito sana ang sasabihin ko, na may nobyo na ako." sulat ko.
Nilingon ko ang sinulat niya. Napahinto kasi siya nang mabasa ang sinulat ko. "Ano iyang sinusulat mo?" tanong ko.
"A-Ah wala." sabay lukot ng papel.
Nagsulat na lang ulit ako. Bibiruin ko lang siya. Alam ko naman ang sagot niya eh.
"Ikaw? Mahal mo na ba ako?"
Hindi ko na nahintay ang sagot niya. Tinawagan kasi ako ni JD, boyfriend ko. May pupuntahan pa pala kami. Muntik ko ng makalimutan.
Nagpaalam na ako sa kanya. Tinanguan lang niya ako.
Third Person's Point of View
Tumalikod na si Maddi. Masaya itong lumisan sa lugar na iyon, na naging saksi ng lahat.
Naiwan siyang mag-isa roon. Hindi makapaniwala sa sinabi ni Maddi.
Kinuha niya ang papel na sinulatan ni Maddi ng huli nitong tanong.
"Ikaw? Mahal mo na ba ako?"
Nagsimula siyang magsulat. At sinagot ang tanong nito.
"Oo. Mahal na kita. Pero sobrang huli ko na, may mahal ka ng iba."
Her Point of View
"Mahirap ba ang magmahal?" tanong sa akin.
"No." I immediately answered. At sa hindi namamalayang pagkakataon, napangiti ako.
"Ha? Bakit po 'No' ang sagot niyo, teacher Maddi?"
"Hindi mahirap ang magmahal. Ang mahirap, yung alamin kung hanggang saan lang dapat ang pagmamahal mo para maiwasang may masaktang ibang tao. Ang mahirap, yung kalimutan ang nararamdaman mo dahil alam mong walang patutunguhan. Madali lang ang magmahal, mahirap lang alamin kung saan ka dapat lumugar."