Literaturang Filipino: Itim

in #literaturang-filipino7 years ago (edited)

ITIM

LITERATURANG-FILIPINO ENTRY (CONTEST #2)


Ang mundo'y tunay na maganda. Lahat ng nakikita'y makulay sa aking mga mata. Sa tingin ko nga'y lahat ng nandirito'y mayroong halaga. Sapagkat nilikha ito ng ating mahal na Ama.

Kahit na noong bata palang ako'y kinamumuhian na ako ng karamihan, hindi ko pa rin itinatakwil sa aking isipan na gaya ng iba, ako rin ay mayroong halaga. Ngunit napapatanong din ako sa aking sarili. Bakit nga ba hinuhusgahan ang isang nilalang base sa kanyang pisikal na kaanyuan? Bakit nga ba kulay ang naging basehan sa kagandahan ng isang nilalang? Pilit kong inaalam ang kasagutan, ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nalalaman.

"Umalis ka nga rito! Ang pangit mo talaga!" singhal ng isang batang lalaki sa 'kin.

Hindi ako kumilos at tinitigan ko lang siya. Mayamaya lang ay kumuha siya ng maliliit na bato at inihagis ang mga iyon sa 'kin.

"Huwag ka nang magpapakita sa 'kin kung 'di ay malalaking bato na ang ihahagis ko sa 'yo!" sigaw niya habang patuloy ang pagbato sa akin.

Pilit ko namang iniilagan ang mga batong inihagis niya at nang matamaan ako sa ulo ay napasigaw na lamang ako sa sakit at mabilis na tumakbo papalayo sa lugar na iyon. At nang makalayo na ako'y tumigil na ako sa pagtakbo habang ramdam ko pa rin ang sakit ng aking ulo gawa ng batong tumama rito.

Ngunit tila nawala ang sakit na aking naramdaman nang sa hindi kalayuan ay natanaw ko ang tanging nilalang na tinitibok ng aking puso. Tila tumigil na naman ang aking mundo nang lumingon siya sa gawi ko at nagkatitigan ang aming mga mata.

Dahan-dahan akong lumapit sa kanya habang kumikislap ang aking mga mata dahil sa taglay niyang ganda. Siya'y tila isang dyosa dahil sa taglay niyang kaputian na sino man ay mapapalingon sa kanya kapag siya'y nakita.

Ngunit hindi pa man ako nakalapit sa kanya’y isang palo agad ang sumalubong sa akin dahilan upang mapagulong ako sa sahig.

"Umalis ka ritong pusa ka! Mamalasin na naman ako sa 'yo!" taboy ng babaeng nag-aalaga sa kanya.

Napatingin na lang ako sa kanya na nakaguhit ang awa sa mukha habang pinagmamasdan akong paika-ikang tumayo. Mabigat sa loob akong napatakbo papalayo habang kumakawala ang luha sa aking mga mata.

Akala ko'y nakalayo na ako sa mapanghusgang mga mata kaya tumigil na ako sa pagtakbo at naglakad na lang habang nakatatak pa rin sa 'king isipan ang mukha niya.

Ngunit isang grupo ng kabataan ang biglang tumigil sa paglalakad nang dumaan ako sa kanilang harapan. Bakas sa mukha ng karamihan sa kanila ang takot.

"Naku! Aswang 'yan, sigurado ako! Tignan n'yo 'yong mata niya, nanlilisik! Takbo na tayo, malapit pa namang magdilim!" natatarantang sabi no'ng isa.

Ngunit bigla akong kinarga ng isa niyang kasama. "Ang cute kaya niya! Iuuwi ko siya sa amin at aalagaan ko."

Bigla akong nakaramdam ng tuwa. Sa wakas ay may taong hindi humusga sa 'kin at magmamahal sa 'kin. Na sa kabila ng kulay ko ay may tatanggap pa rin pala sa akin nang buo.


---WAKAS---


hannah-troupe-349131-unsplash.jpg
(Photo credits: unsplash.com)

Sort:  

Kinabahan ako doon sa grupo ng mga bata! Akala ko bubugbugin ulit si Itim! Buti masaya parin ang katapusan ng kwento


Salamat sa paglikha ng akda sa Tagalog pagdamutan mo nalang ang aking munting upvote, resteem at pag feature sa iyong gawa sa aking arawang "curation"

Sulat ka pa ng mga Tagalog na likha! dadami din tayo dito sa Steemit.

Para makita pa ang ibang likha na tagalog maari mong tignan ang
Ikatlong Edisyon ni Tagalog Trail

Maraming salamat sa komento, upvote, resteem at sa pag-feature ng aking gawa. Ako'y nagagalak sa pagsuporta mo sa mga akdang tagalog. Masayang paglalakbay rito sa Steemit, @tagalogtrail! :)

Wala pong anuman. Ikinagagalak ng aking puso na mayroong mga likhang Tagalog dito sa steemit. Dahil aminin naman natin hindi lahat tayo ay kumportable o mahusay sa pag gamit ng Ingles.

Awts. Naantig po ako. Ganyan din ang pangalan ng una kong alagang pusa.😭 sayang at wala na sya. Itim din ang kulay nya at talagang napakaganda.

Hindi totoong malas sila. Di hamak na mas malambing sila kesa sa pusang may karaniwang kulay. Hanggang ngayon, wala pang pumalit sa kanya sa pagiging malambing at mapagmahal dito ❤️.

Para ito sa mga pusang itim na lagi na lang inaapi dahil sa kulay nila. :)
Maraming salamat, @ellebravo at naantig ka sa ibinahagi kong kuwento. :)