Batang Paslit
Sa ilalim ng pusikit na dilim
Pikit na mata'y imulat mandin
Maduming paligid iyong pagmasdan
Batang gusgusi'y tulog sa lansangan
Bago siya natulog ay 'di nakalimot
Umusal ng dasal tinawag ang Diyos
At sa buhay na miserable't dukha
Di winaglit Poong may likha
Batang musmos ay nag-iisa lamang
Walang kapatid, walang magulang
Tanging kaulayaw sa gabi at araw
Karton, bote't dyaryong kanyang ikinabubuhay
Kung mayroon lamang s'yang pamilyang kapiling
Kung mayroon lamang s'yang munting dampa mandin
Kung mayroon lamang sa kanya'y nagmamahal
Gantong paghihirap 'di sana nagtagal
Kung kapalara'y 'di naging masalimuot
Kung taong nakapaligi'y 'di naging maramot
Kung buhay nya'y 'di nagkagusot-gusot
Di sana pamilya nya'y magkakabuklod
Kung 'di inalisan ng matitirahan
Kung 'di kinamkam lupang kabuhayan
Di sana siya'y masayang namumuhay
Kapiling ang pamilya ng matiwasay
Ngunit ang mundo'y sadyang mapaglaro
Batang paslit ay agad nabigo
Sa murang isip, paghihirap at natamo
Agad nalasap ang buhay na malabo
Ngunit kahit ganito ang naging kapalaran
Di naghahangad ng labis na yaman
Tanging nais ay makaahon sa hirap
Malayo sa kapahamakan at pamilya'y mahanap
Hindi siya naghihinanakit bagkos nagpapasalamat
Dahil kahit paano'y matibay ang balikat
Ito'y isang gintong aral na dapat isaisip
Makuntento sa biyayang iyong nakakamit
Dahil mas maswerte ka sa batang paslit
wow... so ganda.
magaling. magaling.