Kabanata 11
Kung sa darating na panahon ay magkakaroon ka ng mga anak na lalaki, huwag mong gagawing mga mangangaral ang lahat dahil hindi masisira ang batas ng kasaysayan na ang mga iyan ay maglalabanan sa kapangyarihan, posisyon at impluensiya. Kung kinakailangan na magpatayan sila ay gagawin nila. Bawat isa sa kanila ay bubuo ng kanya-kanyang mga grupo. Sa paglalabanan na iyan ay kasama ang mga kani-kanilang mga asawa, mga anak at ang mga nakapaligid sa kanila. Magkakaroon ng walang katapusang pagsisiraan, pagsisinungaling at patayan. Kapag ikaw ay namatay na, mapalad kung sino sa mga anak mo ang unang makakahawak ng setro at makauupo sa trono, kaawa-awa ang di magkapalad pati ang kanilang pamilya. Sa halip na gawin mo silang mangangaral ay ilagay mo ang iba sa mga makakatas na mga posisyon o kaya ay mga malalaking negosyo na labas sa iyong relihiyon. Sila ang magsu-supply ng mga pangangailangan ng iyong relihiyon. Ang kanilang pagyaman ay hindi manggagaling sa abuloy ng iyong kawan kundi sa mga produkto at mga kontrata na inilagay nila sa iyong relihiyon. Diyan kayo magiging magkakasabwat na hindi namamalayan ng iyong mga kaanib.
Gawin mo silang mga kasapakat ng iyong tagasuri at ingat-yaman. Ibang tao ang ilagay mong tagasuri at ingat-yaman sa gayon ay maging malinis ang tingin sa iyo ng mga disipulo mo. Sa lahat ng posisyon na puwede mong ilagay sa iyong kawan. Itong mga tungkuling ito ang paka-ingatan mo. Tandaan mo ikaw, ang tagasuri, at ang ingat-yaman - kayong tatlo ang magiging pinakamakapangyarihang tao sa inyong relihiyon. Kayong tatlo ang magpapa-ikot ng ulo ng mga kasapi sa inyong relihiyon. Ang iba ay mga tagapagtanggol nyo na lamang. Mga tau-tauhan din ngunit may mga rango na kung magagamit nila ng may katusuan ang makakatas din sila ng katakot-takot na salapi mula sa impluensiya at kapangyarihang bigay mo sa kanila. Ang may hawak ng pera at papeles ang may pinakamalaking kapangyarihan sa organisasyon. Ito ang tagasuri at ingat-yaman.
Hindi lamang ang mga pagmumulan ng salapi ang gabit-araw ninyong pag-isipan kundi maging ang pinagmumulan din ng kapangyarihan at impluensiya. Ang maaaring pagmumulan nito ay ang mga miyembro ng iyong kawan, salapi nila, gobyerno, mga pulitiko, militar, mga abogado mo, computer programmers, mga hackers at iba pa. Kapag nasa iyo na ang lahat ng ito at nagawa mong manipulahin. Ikaw ay magiging invincible. Walang sinumang makalulupig sa iyo maliban kay kamatayan. Silang lahat ay luluhod sa iyo.
Pag-aralan mo ang kahinaan ng pamahalaan o gobyerno. Kung ito ay isang demokratikong pamahalaan, magagamit mo ang iyong miyembro na magkaisa silang lahat sa gusto mong iboto na pulitiko para manungkulan sa bayan.
Tingnan mong mabuti ang kabutihan ng relihiyon, nakakuha ka na ng salapi sa iyong mga disipulo, nakakuha ka pa ng kanilang mga boto. Pagdating ng panahon magagamit mo pa ang kanilang mga abuloy na puhunan sa mga negosyo na itatayo mo na sila ang gagawin mong mga trabahador, tagapag-benta at sila rin ang mamimili. Ganyan ang kapangyarihan ng pananampalataya, ginagago mo na ang tao, tuwang-tuwa pa.
Gumawa ka ng mga leksiyon na mapalilitaw mo na ang kaisahan sa pagboto ay aral ng Diyos. Isa yan sa mga dahilan kung bakit kailangang mahigpit na ipagbawal mo sa kanila ang pagbibigay ng mga paliwanag sa aklat na iyong ginagamit. Ikaw lang na sugo ang nag-iisang may karapatan na magpaliwanag ng nakasulat sa banal na kasulatan sa ganun ang mga kampon mo ay lunok na lang ng lunok kung ano man ang iyong ituro. Ang mga pulitiko na nagwagi sa halalan na inaakalang kaya sila nanalo ay dahil sa iyong tulong ay may utang na loob sila sa iyo na sa pagdating ng tamang panahon ay kailangan nilang magbayad ng mga pabor. Diyan sisibol ang isang napakalakas na kapangyarihan, ang tinatawag na impluwensiya.
Maraming mga tao ang nakilala sa kasaysayan na ibat- iba ang paraan ng naging pagdakila. Halos lahat ay may iisang istilo. Ito ang pananakop na may iba't ibang kaparaaan. Si Genghis Khan - napakaraming pinatay at lumikha ng napakalaking imperyo. Si Alexander the great - pinagselosan ng sariling ama dahil sa angking galing, nakalikha rin ng malaking imperyo at naging diyos pa sa lupain ng Egipto. Si Sidharta Gautama - kilala ng marami na Buddha. Mangangaral na walang salapi, iniwan ang karangyaan at namuhay ng mahirap. Yaon ay isang malaking kalokohan. Ikaw ang magiging kabaligtaran ni Buddha, mula sa basahan ay magiging emperador ka ng relihiyon. Yayaman kang higit pa kay Solomon o sinumang kasalukuyang pinaka-mayamang tao. Ang iyong pamilya ang magiging makabagong Rothschild clan.
Higit kang magiging pansamantalang makapangyarihan kaysa Diyos dahil ni minsan ay hindi Siya makikialam kung paano mo pinalalakad ang iyong relihiyon, hindi ka tatanggap ng tawag-pansin o pupulungin ka at sasabihin ang gusto niya o magsusugo siya ng propeta para ipasabi ang gusto Niyang malaman mo. Wala siyang isusugo na propeta para pagalitan ka o punahin ka sa iyong pag-abuso sa iyong kapangyarihan. Kung may isusugo man ang Diyos ay siguradong ipapatay mo yaon, dahil ang kapangyarihan kapag nasa iyo na ay malilimutan mo na ikaw ay tao rin. Ang kapangyarihan ay isang napakalakas na droga na kapag pumasok sa puso at isip ng tao ay makakaya na ipapatay kahit sariling magulang at mga kapatid. Napatunayan na iyan sa maraming kasaysayan ng sangkatauhan. Paulit-ulit lang ang kasakikam.
Ang iyong pagiging makapangyarihan kaysa Diyos ay panandalian lamang. May nilalang ang Diyos bago pa man Niya nilikha ang tao, ng sa ganoon ay walang sinumang nilalang na magiging higit na makapangyarihan sa Kanya ng habang panahon - ito ay ang mga uod.
Sort: Trending