Kabanata 3
Lagi mong pangakuan ang mga miyembro mo ng buhay na walang hanggan at isang lugar na pupuntahan nila pagkatapos na magunaw ang buong sanlibutan- isang dako na wala ng hirap, gutom at sakit. Narito pinakamagandang paninda sa balat ng lupa na iyong ipangangako gamit ang sagradong aklat bilang batayan - ang Kaligtasan, buhay na walang hanggan at ang langit. Ang langit o banal na lunsod ay para doon sa mga naghihirap sa buhay na ito, hindi maka-ahon sa kahirapan,halos walang makain at puno pa ng mga problema sa buhay na ito. Sila ay aasa sa pangako na sana ay may isang lugar na kung saan ay makakarating sila na doon at wala ng gutom, sakit, hirap at pagluha. Karamihan sa mga iyan ay mga taong tamad at mga mapaniwalain na sa halip na magsikap at magpaunlad ng kaalaman ay maghihintay na lamang ang mga iyan na darating ang iyong mga ipinangako sa kanila na hindi nila namamalayan na lagi mo silang hinihingan ng mga salapi sa anyong handog sa Diyos. Ang mga mangmang at mahihirap na iyan ang maglalagay sa iyo sa maluwalhating kalagayan na darating ang panahon na papasyal-pasyal ka na lang pati ang iyong buong sambahayan sa iba't-ibang bansa na tuwang tuwa naman ang iyong mga disipulo na sa tinagal-tagal ng mga kaanib ay nakadikit pa rin ang buhay sa putik. Maligaya na sila sa nabili nilang mga paninda mo. Sarap na sarap sila kapag sinabi mo na ang pinili ng Diyos na manirahan sa langit ay ang mga mahihirap at mga mangmang. Ang ganitong namang paninda ay hindi kailangan ng mga mayayaman at makapangyarihang mga tao dito sa mundo dahil ang kanilang buhay sa lupa ay para ng nasa kaluwalhatian. Wala silang hirap at gutom. Nagtatamasa ng kasaganang panglupa. Ang panindang iaalok mo naman sa kanila ay kaligtasan, na sila ay hindi na ibubulid sa pinaka-mabigat na parusa. Sa dami ng ginawa nilang kasamaan at pandaraya sa kapwa, pagnanakaw gamit ang kanilang kapangyarihan at katalinuhan kaya ang paninda mo na kanilang bibilhin ay ang kaligtasan kapag umanib sa iyong nag-iisang tunay na relihiyon.
Ang isa pang produkto mo na dalawa ang talim ay ang pangakong buhay na walang hanggan. Ito ay para sa lahat na ng mga uri ng tao na mayroong mga mabibigat na mga karamdaman. Alam ng lahat na ang ating buhay ay marupok, nagkakasakit ay namamatay. Ito ang nagdudulot sa tao ng takot kaya samantalahin mo ang takot na ito, alukin mo na kung papasok sila sa iyong relihiyon na totoo at sa Diyos ay mamatay man sila sa buhay na ito, pagdating ng katapusan ng mundo ay bibihisan sila ng buhay na walang hanggang. Kailangan lang na umanib sila, pagtalagahan ang pagsamba, magpasakop sa iyo, sumama sa pagmimisyon o pag-akit ng mga karadagang mga miyembro at maging mayaman sa pag-aabuloy habang buhay. Ang mga panindang ito ang patuloy na aasahan ng iyong mga tagasunod na kahit hirap na hirap na sila sa buhay ngunit masaya pa rin sila dahil sa morpina o aral na itinurok mo sa kanila, ang mga mayayaman mong mga kaanib na nahahalata na hindi na makakaya ng mga manggagamot ang taglay na malalang karamdaman ay hihingi sa iyo ng panalangin sa paniniwalang hindi nila kayang tumawag sa Diyos ng walang padrino. Sa lahat ng mga ito ay matiyaga silang maghihintay hanggang sa sila ay mamatay na sa kahihintay, walang hanggan ang kamangmangan ng mga taong ito na patay ka na ay patuloy pa rin silang naghihintay.
Habang naghihintay sila at upang hindi mabagot, ang mga paulit-ulit na mga leksiyon mo sa mga pagsamba at ang mga iba't-ibang mga aktibidad na pampasigla, pagtupad ng mga tungkulin iniatang sa kanila, pamparami ng mga miyembro para maligtas ang magsisilbi nilang mga kaaliwan. Kung ang mga naka-lululang mga pangakong ito ay hindi totoo hindi ka na nila maaaring usigin. Dahil pare-pareho na kayong patay sa mga panahong iyon. Hindi ka na nila kayang habulin ng pag-uusig. May magagawa pa ba ang mga napaniwala at napinsala ni Hitler, Genghis Khan, Stalin, Pol Pot at ang iba pa? Bagama't ikaw at ang iyong mga disipulo ay pare-parehong patay na pagdating ng panahon ngunit sila ay buong buhay na naghandog ng salapi sa Diyos na papunta sa iyo, buong buhay na pinaikot-ikot mo sila sa iyong mga palad, walang katapusang pangako na sila ay makararating sa langit at habang buhay silang mga naging gatasang baka ngunit ikaw at ang iyong buong sambahayan naman ay buong buhay na nagtamasa ng kayamanan mula sa pinagsama-samang mga handog nila. Ito ang dahilan kung bakit ang relihiyon ay "the greatest pyramiding of all time, the best commodity ever".