KABANATA 1
Ang pinakamatalinong magagawa ng isang tao kung ang hangad rin lang niya ay kayamanan, karangalan at kapangyarihan ay ang pagtatatag ng isang uri ng relihiyon o pananampalataya. Ang pakinabang rito ay higit sa anumang posisyong panggobyerno o pangnegosyo. Ang kapangyarihang nakapaloob rito ay panghabang buhay at walang termino ang katungkulang ito. Ang kapangyarihang sasa-kanya ay paniniwalaan ng tao na galing sa Diyos at hindi sa kaninumang tao dito sa lupa. Kaya sa oras na ang relihiyong ito ang yakapin ng mga tao o maging haling sa pananampalatayang ito ay magagawa na ng lider ang ibig niyang gawin sa kanila. Pinatunayan na iyan sa kasaysayan na ang mga taong relihiyoso ay may mga saradong pag-iisip na kahit ano ang ipalulon ay buong puso nilang tatanggapin dahil ang tingin nila sa lahat ng ipinagagawa sa kanila ay tama espiritual na pakinabang.
Ang relihiyon ay higit sa anumang pasugalan sa lupa, sindikato ng droga at negosyo kung ang pag-uusapan ay ang pagpasok ng salapi sa kanyang kaban ng yaman.
Ang pasugalan ay nagbibigay ng pananabik sa tao na sa isang araw ay magwawagi siya ng isang napakalaking halaga na maaaring makapagpabago ng kanyang buhay sa isang iglap. Ngunit upang magkaroon siya ng pagkakataon na ito ay makamit ay kinakailangan at hindi maiiwasan na siya ay magbitiw ng salapi bilang kanyang pinaka-puhunan sa kanyang pinapangarap. Ito ay habangbuhay niyang kailangang gawin hangga't hindi siya nagwawagi. Ang mga sindikato ng droga ay nag-aalok naman ng kakaibang sensasyon, isang pakiramdam na parang nasa langit, walang problema, at pagiging alerto. Upang matamo ang ganitong antas ng pakiramdam ay kinakailangan na bumili ng droga na ang halaga ay higit pa sa ginto. Darating ang panahon ay hindi na niya katatakutan maging ang kamatayan dahil sa ang pakiramdam niya ay nasa langit na siya.
Higit din ang relihiyon sa anumang negosyo. Ang puhunan sa kalakalang ito ay isa lamang aklat na ipapakikilang sagrado, kinasusulatan ng mga pahayag ng Diyos, mga binuong leksiyon mula roon at laway sa pagsasalita. Ang mga ito ang mga pangunahing kasangkapan sa pagbuo ng isang dambuhalang negosyo. Kumbinasyon ng tatlong ito -pasugalan,droga at negosyo, ang relihiyon. Papangakuan ang tao na sa isang panahon ay magwawagi siya ng nakalululang gantimpala - ang kaligtasan, buhay ng walang hanggan, pananahan sa perpektong lugar at makasama ang Diyos doon, sa kundisyon na siya ay kailangang maging mananampalataya. Itong mga mananampalataya ang mga magiging regular na mananaya sa napakalaking pasugalang ito. Kinakailangan na habang-buhay siyang tataya o magbibitiw ng salapi na hindi tatawaging taya kundi makarelihiyong mga termino gaya ng abuloy,handog, pasalamat at lagak upang mamalagi ang kanyang pagkakataon na manalo ng napakalaking gantimpala. Hindi rin tatawaging mapapanalunan kundi pagtanggap ng mga pangako ng Diyos. Ang mga pabuyang pangkiliti naman ay ang pangako na gaganda ang kaniyang buhay dito sa sanlibutan, gagaling sa karamdaman at magiging masagana siya at mapayapa.
Higit din ang relihiyon sa sindikato ng droga. Ang tao ay magkararanas ng sensasyon o kaluwalhatian kung siya ay maliligtas pagdating ng panahon. Isang buhay na wala ng hirap, sakit, gutom, kamatayan, wala ng pagtulog at pagiging laging alerto. Ang kaibahan at bentaha ng relihiyon ay nababalot ito ng isang napakakapal na kapaimbabawan kaya hindi mahahalata kahit ng pinaka-matinik na manunuri o alagad ng batas, sila man ay kayang bihagin ng relihiyon. Nakabalot sa relihiyon ang mga salitang pagsamba, pagbabagong buhay, kabanalan, magpuri, umawit, pagsunod sa Diyos, panata, panalangin, pag-ibig, iyakan at hiyawan sa panahon ng mga panalangin o pagsamba at higit sa lahat ay ang pagpapasakop sa tagapangunang inilagay ng Diyos. Dito nakapaloob sa pinaka-gitna ang lihim at naka-tagong motibo - ang pagdagsa ng katakot-takot na salapi.
Kumuha ka ng isang aklat na matagal ng pinaniniwalaan ng mga tao na sagrado. Bawat bansa ay may kanya-kanyang kinikilalang mga sagradong aklat. May Koran, Biblia, Tripataka, Veda at iba pa. Kung aling aklat ang higit na nakararami na naniniwala sa dakong iyong kinaroroonan iyon ang mas lalong mabuting gamitin mo. Pag-aralan mong mabuti. Kung maisasaulo mo ang nilalaman ay mas lalong mabuti at pakikinabangan. Mula diyan ay pagtagni-tagniiin mo ang mga nakasulat. Gumawa ka o maghanap ka ng tinatawag na "concordance" upang gumabay sa pagtahi mo ng mga leksiyon. Bumuo ka ng mga turo na kakaiba kaysa nakagawian ng iba. Mga turong nakakatawag ng pansin. Makalilikha ng intriga. Araw at gabi mong ituro sa mga tao ang mga paksa na iyong mabubuo mula sa pinag-dugtong-dugtong na mga nakasulat sa aklat. Ang bawat maliliit na nakasulat sa aklat na iyong batayan ay parang mga maliliit na tela na iyong pagdudugtong-dugtungin para makalikha ka ng isang pinag-tagpi-tagping damit na iyong isusuot sa iyong mga magiging kampon. May dalang kapayarihan ang pinag-tagni-tagning damit na yaon. Sa oras na kanilang isuot yaon ay magiging mga panatiko sila, bulag at higit sa lahat lalo nilang daragdagan ang salaping handog nila.
Sa bawat panahon at pagkakataon ay ituro mo uli sa mga tao ang mga ginawa mong mga tema o leksiyon, lalo na ang mga leksiyon na tumatalakay sa pagpaparami ng kaanib, paghahandog ng salapi at pagpapasakop sa iyo. Kapag naituro mo na ang isang paksa ay paulit ulit mo pa ring itanim sa isip nila hanggang sa ito ay pumasok sa kanilang sistema, dumaloy sa bawat himaymay ng kanilang mga buto hanggang kaluluwa hanggang sa sila ay matulad sa isang taong lulong na sa ipinagbabawal na gamot, gahaman sa sugal at talamak na negosyante. Mga buhay na patay na magiging sunod-sunuran sa iyo. Kapag sinabi mong tayo, tatayo sila, kapag sinabi mong luhod, luluhod sila. Kahit patuwarin mo ang mga iyan ay tutuwad yan basta utos ng sugo ng Diyos. Lagi ka nilang hahanap-hanapin para matikman ang rasyon mong ibat ibang leksiyon o mga espiritual na droga, mga leksiyon na may mga pangako na makaka-kuha sila ng isang napakalaking gantipala basta magtiis lamang silang maghandog ng salapi sa bawat pagsamba habang sila ay nabubuhay. Mga leksiyon na magpapa-antig ng kanilang puso, pupukaw ng kanilang kaisipan, magpapatulo ng kanilang luha at magpapaluhod sa kanila hanggang lumabas ang pinakalundo, ang nakatago mong layunin, ang mapalabas ng kanilang mga salapi mula sa kanilang mga baul at maipagbili nila ang kanilang mga ari-ariang pinaghirapan at buong kagalakang dalhin sa iyong paanan sa paniniwalang ikaw ang sugo ng Diyos para maligtas sila.