Ang Pangarap Kong Maging

in #steemph7 years ago

"Ano ang gusto mong maging paglaki mo?"

chalkboard-1264200_1280.jpg
Pinagkunan

Naaalala ko noong bata pa ako, madalas na itanong sa akin iyan. Kahit sinong bagong kakilala na mas nakatatanda, mga tito at tita, mga guro sa eskwelahan. Lahat sila gusto nilang malaman kung ano ang gusto kong maging paglaki ko.

Naaalala ko pa noon, may kapitbahay kaming magandang dalaga. Tinititigan ko siya palagi kapag dumadaan na siya. May katangkaran kaya't hindi nagsusuot ng mataas na takong, mahaba ang tuwid na tuluwid at itim na buhok, palaging simple lang ang kasuotan pero maganda ang pangangatawan, may kaunting kolorete sa mukha, mahaba ang kuko at dekulay ang mga ito, may maliit na shoulder bag laging tangan tangan kapag papasok sa eskwela. Sabi ko siguro paglaki ko, magiging ganoon din ako. Tinanong ko ang Mama ko kung ilang taon na si ate Melanie. Sabi niya 18 ata. Kaya inabangan ko ang paglaki ko. Siguro ganyan din ako paglaki ko.

lipstick-791761_1280.jpg
Pinagkunan

Lumipas ang maraming taon, nalipat na kami ng bahay. Ang balita ko lumipat na rin sila ate Melanie sa ibang lugar. Namalayan ko na lang nasa kolehiyo na ako. Napatanong ako. "Bakit ganoon?" Yung tangkad ko, parang nahinto sa 4'11". Yung buhok ko, parang may sari-sariling isip at parang laging may welga dahil hindi sila nagkakasundo kahit anong conditioner pa ang gamitin ko. Yung mukha ko, hindi tinatagalan ng kolorete dahil parang may plantasyon ng mantika na kulang na lang pagbawalan akong lumangoy sa dagat dahil magkakaroon ng oil spill! At ang kuko ko, kapag pinakukulayan ko ay mukha akong batang nagpupumilit magdalaga dahil punggok ang tubo ng mga ito. Anong nangyare? Bakit hindi ako naging kagaya ni ate Melanie? Siguro iba iba lang talaga kasi.

Pero ano nga ba ang gusto ko paglaki ko?

Empleyado sa Opisina sa Makati

office-2539844_1280.jpg
Pinagkunan

Noong mga panahong iyon, hindi rin talaga ako sigurado. O mas lamang na hindi ko rin talaga alam kung ano ang gusto kong maging. Paano ko naman masasabi iyon sa edad na 7? O 10? O 15? Hindi ko pa nakikita ang lahat ng posibilidad sa buhay ko noong mga panahong iyon.

Ang tatay ko ay isang empleyado sa isang opisina sa Makati noon. Ang nakikita ko lang na ginagawa niya noong dinadala niya ako sa opisina ay tumingin sa mga papel, tapos may isusulat, tapos kakain kami ng tanghalian, tapos babalik ulit siya sa gawain niya. Naisip ko noon, ayaw ko ng ganoon. Kaya alam ko ayaw ko ng isang pang opisinang trabaho noon.

Guro sa Pampublikong Paaralan

moe-595959_1280.png
Pinagkunan

Kapag naglalaro kami ng mga kababata ko ng teacher-teacheran, gusto ko laging guro ako sa Matematika. At talagang tinuturuan ko sila ng mga teknik. Kung paanong madaling mag-multiply, divide, at kung anu ano pa. Itinuro ko sa kanila noon na kapag ang numero ay imu-multiply mo sa 11, paghiwalayin mo ang numerong iyon at i-add mo ang numerong iyon, yun ang ilalagay mo sa gitna nila. Halimbawa 11X11. Paghiwalayin mo yung dalawang 1, kaya magiging 1_1. Ang blangko sa gitna, ay magiging 2 dahil 1+1=2. Kaya ang sagot: 11X11=121.

Naguluhan ka ano? Ako rin. Kaya hindi ako pwedeng maging guro. Lahat ng estudyante ko ay papasok na may tanong sa isip at uuwi na may mas marami pang tanong. Isa pa, hindi ako pwedeng maging guro dahil hindi sapat ang pasensiyang naipon ko para sa rami ng estudyanteng tuturuan sa isang pampublikong paaralan. Naiisip ko pa lang ang kakulitan ng mga kaklase ko ay nauubos na ang lahat ng pisi ko. Kaya bagama't hanga ako sa husay, talino, talento at pasensiya ng mga guro, ayaw kong maging guro.

Doktor na Sumasagip ng Buhay

doctor-563428_1280.jpg
Pinagkunan

Isa sa mga costume na ipinapasuot sa amin ay yung uniporme ng doktor. Yung may kulay puting Lab Gown at may parang ilaw sa noo. Hanggang ngayon ay hindi ko alam kung para saan iyon. Inisip kong gamit iyon pag nag oopera sila pero nang minsang may nakita akong doktor na may parang ilaw sa noo doon sa Healthway Clinic, nalito ako. Wala naman kasing operating room sa Healthway. O baka meron, hindi ko lang alam.

Pero hindi ako pwedeng maging doktor. Kasi takot ako sa turok. Dati ay umiiyak pa ako kapag kinukunan ako ng dugo. Napatalon ako sa gulat noong sinugatan ako para kunin ang blood type ko. At ang pinakamatindi sa lahat, hinimatay ako nang makakita ako ng naputukan at dumudugong hita noong new year (hindi ko na maalala kung anong taon iyon.) Kaya hindi ako pwedeng maging doktor.

Scientist Katulad ng mga nasa Pelikula

experiment-217201_1280.jpg
Pinagkunan

Yung tipong siya ang pinakaimportanteng karakter doon sa pelikula kasi siya lang yung nakakaalam kung paano susugpuin yung virus na kumalat sa sangtinakpan. Yung tipong kikidnapin siya kasi gusto ng isang sindikato na ulitin niya yung imbensiyon niya pero nakadisenyo para sa masama nilang adhikain. Yung tipong kailangan may sikreti kang laboratoryo para masiguradong hindi nila mananakaw ang secret formula mo.

Ayaw ko ng ganoong klaseng buhay. Ayoko ng manganganib ang buhay ko nang dahil lamang sa talino ko. Kaya naisip ko ayokong maging scientist.

Marami pang ibang titulo na pwede ako sanang maging. Inhinyero, taga-tuos, taga-usig, pulis, sundalo, pulitiko, tambay, komedyante, mang-aawit at kung anu-ano pa.

Pero noong makilala ko ang taong pinakamamahal ko sa buhay kulang-kulang dalawang taon ang nakalilipas, nalaman ko kung anong titulo ang gusto kong panghawakan hanggang sa ako'y tumanda.

Maging Isang Ina

mother-429158_1280.jpg
Pinagkunan

Yung paggising sa umaga, kikilos ka na agad kasi paggising ng asawa't anak mo, kakain sila ng almusal. Tapos magdidilig ka ng halamang pananim mo. Mga gulay na pag namunga ay siyang lulutuin mo. Maglalaba ka ng mga damit na pinawisan ng anak mo noong naglaro kayo sa putikan kahapon. Mag-iisip ka ng kug ano'ng iluluto para sa tanghalian at hapunan.

Hindi biro ang maging isang ina. Dahil kapag nanay ka, isa kang doktor na aligaga kapag may sakit ang iyong anak. Mapupuyat ka sa kababantay kung tumataas ba ang lagnat niya o umaayos na ba ang paghinga niya, o kung nauuhaw ba siya o nagugutom. Isa kang guro dahil walang sawa mo siyang tuturuan ng abakada, magbilang, magsalita, maglakad, at higit sa lahat, tuturuan mo siya ng wastong asal. Isa kang musikero at mang-aawit dahil kahit gaano ka pa kasintunado, ang paghele mo sa kanya ang hahanap hanapin niya para makatulog siya. Isa kang body builder dahil khit pa lumalaki na siya, gusto niya lagi kalong mo siya. Isa kang mananahi, inhinyero, komedyante, minsan isa kang unan, o kaya ay higaan, o kaya ay duyan.

At ang sweldo ay hindi gaanong kalakihan. Dahil ang bayad sa pagiging ina ay yung napakalambing niyang yakap, at malaway niyang halik, at ang banayad na banayad na pagtaway niya sa iyo ng "Nanay."

Kaya kung babalik ako sa nakaraan, alam ko na ang isasagot sa tanong kung ano ang pangarap kong maging.

Pangarap kong maging isang nanay. At buong puso kong tutuparin ang lahat ng katungkulan na nakasaad sa kontrata ng pagiging isang ina.


Maraming salamat sa pagbabasa!



2123526103.gif

Sort:  

Jaja ang dami Kong gustong I quote, laff trip talaga.

Yung tangkad ko, parang nahinto sa 4'11". Yung buhok ko, parang may sari-sariling isip at parang laging may welga dahil hindi sila nagkakasundo kahit anong conditioner pa ang gamitin ko

Am sure Aya is happy kasi may super momma xa!

Ang pinaka-noble sa lahat ng propesyon, iyan pu ang sabi nila. Aku den pu gusto ko maging isang ina. Kaya sana makahanap na pu ako ng tutupad sa pangarap ko na maging ina. Dumating ka na sana my prince charming. I'm right here waiting!

Haha. Baka nagpapagas pa o kaya natrapik sa edsa kasi nakipaglaban si ultraman. Wag ka masyado magmadali at darating naman talaga siya. Nagtext na sa kin. OTW na raw siya.


Curation Collective Discord Community
Curation Collective Discord communityIbinahagi ang lathalang ito sa #pilipinas channel para sa mga curator ng , binigyan ng upvote at ni-resteem ng @c-squared na account pagkatapos ng manu-manong pagsusuri.This post was shared in the #pilipinas channel in the for curators, and upvoted and resteemed by the @c-squared community account after manual review.