Mapagbunying gabi sa ating lahat mga kababayan, kaibigan at katropa, ngayong gabi ihahandog ko sa inyo ang isang akda bilang lahok sa patimpalak nila Toto at Jun-Jun na kilala bilang @tagalogtrail, na pinamagatang #tagalogserye. Ang likhang ito ay orihinal na akda ng inyong lingkod @jamesanity06 na kumakatawan bilang unang yugto mula sa unang pangkat, sana ay magustuhan ninyo ito, at supportahan din po ninyo lahat ng kalahok sa patimpalak na ito.
Isang lalake ang nakatitig sa malawak na karagatan, maririnig ang banayad na alon na humahampas sa dalampasigan. Kasabay nito ay ang hangin na marahang humahalik sa kanyang mga pisngi. Halata sa mukha ng lalake ang pighati, napakaganda ng tanawin ngunit mukhang mas malalim pa yata sa dagat ang kanyang iniisip.
Nabasag ang katahimikan nang biglang tumunog ang kanyang cellphone, may tumatawag sa kanya. Napabuntong hininga ang lalake, tapos sabay pindot sa kanyang cellphone.
"Hello!? Oo, ako nga to, bakit anong kailangan mo?" Halos pamaktol na sagot ng lalake sa kausap nya sa telepono. "Pambihira, alam nyo naman na nasa bakasyon ako ngayon, bakit kailangan nyong sirain ang pamamahinga ko?" reklamo ng lalake.
Matuling pinatakbo ng lalake ang kanyang sasakyan pabalik sa bayan, "Karumal dumal na patayan nanaman!? Wala na ba sila ibang tao kundi ako!? Alam naman nilang ayaw ko ng mga gantong kaso pero sakin parin ibinabato, mga walang konsiderasyon" sambit nito sa sarili habang nakikinig ng balita sa kanyang radyo sa kotse...
Pagdating sa pinangyarihan ng krimen, agad binati ang lalake ng isang pamilyar na boses, "Inspector Mark Sanchez! Dito po!", masiglang pagbati ng isang lalakeng naka suot ng puting polo, medyo magulo ang buhok at mahahalata ang gusot sa kanyang suot na puting polo. "Frank!" maiksing sagot ng inspector, sabay marahan na tango sa kanyang kaibigan. "Kamusta inspector? Na-enjoy mo ba ng husto ang bakasyon mo?" Hindi sumagot ang inspector, sa halip ay dumiretso agad ito kung saan natagpuan ang bangkay. Nanghilakbot ang inspector sa tumambad sa kanyang harapan.
Isang babae sa kahindik-hindik na kalagayan at mga guhit sa sahig ang tumambad sa harap ng inspector, mga guhit na hinding hindi nya malilimutan sapagkat kahalintulad din ito ng mga guhit nang matagpuan niya ang kanyang pinakamamahal na asawang wala nang buhay sa kanilang bahay ilang buwan na ang nakaka lipas.
"Sumalakay ka nanaman!" bakas sa mukha ng inspector ang bahid ng magkahalong pagkamunghi at pananabik, sapagkat makalipas ang mahabang panahon ng pag hihintay, nag paramdam nanaman ulit ang may gawa ng karumal-dumal na sinapit ng kanyang kabiyak. "Frank, mauuna na ako sayo, didiretso na ako sa himpilan, suriin mo lahat ng ibidensya, at lipunin mo lahat ng maaaring maging potensyal na clue para maumpisahan ko na ang imbestigasyon, mag rereport lang ako kay chief." "Pero inspector..." hindi pa natatapos ng kaibigan ang sasabihin nang bigla syang pinutol ng inspector, "At Frank, mag asawa ka na nga, di ka mukhang forensic expert." sabay talikod at matuling nag lakad patungo sa kanyang sasakyan upang mag file ng kanyang pagbabalik sa serbisyo.
Kinagabihan
Mag isang umiinom si inspector Sanchez sa kanyang paboritong bar, isang tagong bahay aliwan sa kanilang lugar, mas gusto nya dito sapagkat hindi gaanong matao, at nakakapag isip syang mabuti habang umiinom, naging malaking tulong ang alak sa kanya mula nang mawala ang liwanag ng kanyang buhay, ang kanyang asawa, nilulunod nya sa alak ang mga bagay na nakakapag pabagabag sa kanya. "Konting tiis na lang mahal ko, malapit ko nang mapapanagot sa batas ang may gawa nito sa iyo." marahang sambit ng inspector habang sinasariwa sa isip ang mapait na sinapit ng kanyang kabiyak.
Isang madilim na gabi, maraming bituin sa kalangitan nang gabing iyon, maagang umuwi ang inspector sa kanilang bahay sapagkat ngayon ay ang kanilang ikatlong wedding anniversary at balak nyang sorpresahin ang kanyang asawa sa dala nyang mga pulang rosas at ang paborito nitong brand ng chocolate. Malapit sa sya sa kanilang tahanan, nag ayos muna sya ng sarili, nag suklay ng buhok, at inayos ang kanyang kurbata. Nag pabango at nag spray pa ng breath freshener upang sariwang sariwa sya sa magiging mainit na gabi nilang mag asawa. Nang malapit na sya sa kanilang tahanan ay nag tataka syang bumama ng kanyan kotse sapagakat madilim ang bahay at naka bukas ang gate. "Hmmm, siguro nag handa rin ng sorpresa ang mahal ko, at nakalimutan nyang isara ang gate sa pagmamadali."
Marahang naglakad ang inspector pantungo sa bahay, ngunit bigla syang natigilan. May bakas ng dugo sa labas ng bahay, hugis paa ng tao, at iniwang bukas ang pintuan. Patakbo syang pumasok ng bahay at hinanap ang kanyang asawa, "Elizabeth! Mahal! Nasan ka?"
Ngunit tila pinag sakluban ng langit at lupa ang inspector nang makita nya ang kanyang asawang nakahiga sa sahig ng kanilang kusina, at may tila kung anong nakaguhit sa sahig na pinagkahigaan ng kanyan asawa, pinuntahan nya ang switch ng ilaw at binuksan ito at tumambad sa kanya ang isang uri ng imahe. Pero nabaling ulit ang kanyan atensyon sa kanyang duguang asawa, at tila wala nang buhay, "Elizabeth! Mahal ko, sumagot ka pakiusap! Wag mo akong iiwan mahal ko!" Wala nang nagawa ang inspector kundi ang humagulgol na lamang sa pag panaw ng kanyang pinakamamahal na kabiyak, "Sinusumpa ko mahal, hindi mananataling malaya ang taong may gawa nito sa'yo, hindi ako mamamatay hanggat hindi ko napapapanagot sa batas ang hayop na iyon!!!"
Nagising ang inspector sa isang marahan na tapik sa kanya, "Boss, magsasarado na po kami, mukhang di nyo na po kaya, lasing na po yata kayo." Inabot ng inspector ang kanyang bayad sabay sabing "Keep the change." at tuluyan nang nilisan ang bar.
Samantala
Sa isang madilim na silid, isang lalakeng naka hood ang sumasambit ng latin na panalangin habang hawak ang isang lumang aklat. HIndi maaninag ang kanyang mukha dahil natatakpan ito ng hood, ngunit batid sa kanyang boses ang isang taong nananabik, tila isang batang nag aabang mabuksan ang kanyang regalong natanggap. Paulit ulit nyang sinasambit ang bawat dasal at orasyon na nakapaloob sa lumang aklat, maingat ngunit nangangatal ang kanyang mga labi sa pananabik. Matapos ang kanyang paulit-ulit na orasyon, tila walang nangyari. "Kulang pa ba panginoon ko!?" mahina nyang sambit sa sarili, "Kung ganon, kailangan pang madagdagan ang mapapaslang." Dahan-dahan syang lumapit sa isang lamesang naka pwesto sa gitna ng silid, naka higa sa ibabaw ng lamesa ang isang kalansay, hindi matiyak ang kasarian ng kalansay, ngunit dahil sa suot nitong isang puting trahe de boda ay iisipin mong itoy kalansay ng isang babae. "Konting tiis na lang Claire, konting tiis na lang at magkakasama na tayong muli." sabay marahan na humalik sa noo ng kalansay ang lalakeng naka hood.
Abangan ang susunod na yugto...
Mga pinagkunan ng mga larawan: 1,2,3,4,5,6,7
Bilang ng mga salita: 1,130
Mga Karakter
Bida: Ang Haunted Hero: Hero na may malagim na nakaraaan (Si Mark Sanchez, isang inspector na may malagim na nakaraan.)
Kontrabida: Ang Corrupted Hero: Nagsimula na mabait pero naging masama (Secret muna kung sino sya sa ngayon, pampasabik para basahin ninyo ang susunod na yugto.)
Elemento sa Kwento na ginamit:
Time Machine
Libro
Pakpak
UNANG PANGKAT:
@jamesanity06 - Martes
@chinitacharmer - Miyerkules
@tpkidkai - Huwebes
@twotripleow - Byernes
IKALAWANG PANGKAT:
@ailyndelmonte - Martes
@jazzhero - Miyerkules
@johnpd - Huwebes
@cheche016 - Biyernes
IKATLONG PANGKAT:
@julie26 - Martes
@beyonddisability - Miyerkules
@romeskie - Huwebes
@jemzem - Biyernes
© @jamesanity06, 2018
Damo nga Salamat! Maraming Salamat po! Thank you Very Much!
Exciting, pasok yun mystery angle. Highligh sakin yun Full Metal reference :) Good luck sa next, @chinitacharmer.
Salamat @jazzhero, natutuwa ako at nagustuhan mo ang aking muntin akda. Nais ko sana itanong kung bakit tila wala yata yung sa unang bahagi ng pangkat ninyo, sayang, inaabangan ko pa naman sana lahat ng kalahok.
Thanks for using steemph-antipolo tag, this post receive an upvote from the community account.
Thanks for the upvote and welcome.