Pangarap
I
Simula pa sa pagkabata, ang isip ko’y hinubog,
“Mangarap ka,” tugon nila, “mangarap ka ng matayog.”
“Mangarap ka’t magsikap, upang guminhawa ang buhay,”
“Mangarap ka, munting paslit, abutin mo ang tagumpay.”
II
Pagpasok sa paaralan, sinubok kong mamayagpag,
Ang pangarap nilang itinuro inasam kong mapatatag,
Mithiin ko raw ay abot-kamay, sa akin ay laging bulong,
Pinuri’t binigyan ng pilak, may taglay nga raw’ng angking dunong.
III
Diplomang mapanghahawakan, medalyang kumikinang,
Dagdag na letra sa pangalan, masigabong palakpakan,
Ganito inihugis ng mundo sa akin ang tagumpay,
Ganito ko ipininta ang pangarap, sa ginintuan nga raw nitong kulay.
IV
Nakamit din sa wakas, mga bagay na pinangarap,
Bawat patak ng luha’t pawis, nasuklian din ang pagsusumikap.
Natanggap ang diploma, kinabitan ng gintong medalya,
Propesyonal na raw maituturing, pangalan nadagdagan ng tatlong letra.
V
Isang araw sa paglalakad nakasalubong ko ang isang musmos,
Mukhang wala pang muwang sa mundo, pag-asa’y hindi pa nauubos.
Sa kanyang harap ako’y lumuhod, sya’y tinitigan sa mata,
“Mangarap ka, munting paslit, ngunit hindi sa hugis na kanilang ididikta.”
VI
“Mangarap ka ng malaya’t malalim, na hindi tayog ang basehan.”
“‘Pagkat hindi lahat ng tagumpay, nakakamit sa palakpakan.”
“Bata, pag-isipan mong mabuti, buhay mo’y malayang kulayan.”
“Alalahanin mong hindi ginto ang sukatan ng kaligayahan.”
VII
“Hindi ka ipinanganak upang sumunod lamang sa hulma.”
“Walang tunay na init sa ginto, hindi nayayakap ang pera.”
“Hangad ko’y maipaglaban mo ang pangarap mong pinili ng puso,”
“At kung mapagod ka, alalahaning ang pamamahinga ay hindi pagsuko.”
IIX
Tumayo ako’t napagtantong ang payo’y akma rin sa sarili,
Inaming ang inukit kong pangarap ay hugis na hindi ako ang pumili.
Kaya’t sinimulan kong burahin idiniktang hugis at linya,
Mangangarap ako ng panibago, mangagarap na ako ng malaya.
Ang lahat ng larawang isinali sa akdang ito ay akin at kinunan gamit ang Iphone SE.
napakaganda ng tula, ipag patuloy