Para sa mga sawi... TAGAY PA!
Taon ang binilang ko't napagtagumpayan kong gumawa ng malamig na yero sa paligid ng puso ko. Hindi ko hinayaang may makabuwag sa hawlang ilang taon sa paggawa ang ginugol ko. Pinrotektahan nito ang puso ko sa mga kasinungalingan at panggagago. Ang hindi ko lang inaasa'y habang lumalayo ako sa tukso'y unti-unting naging yelo ang mga emosyon ko.
Nanginig ang kaluluwa. Hindi ko kayang isakripisyo ang pagkawala ng emosyon ko dahil sa karuwangang ito, kung kaya't napagpasyahan kong unti unting buwagin ang hawlang ginawa ko.
Hanggang sa dumating ang masaklap na araw na iyon. Unti unting tumubo ang ligaw na butil ng paghanga. At habang tumatagal ay lalo itong namumukadkad dahil sa walang humpay na pagdidilig ng isang hamak na Adan ng matatamis at magagandang mga salita mula sa pinagpala nitong dila.
Inalagaan ko ang emosyong unti unting domodomina sa aking puso, isipan at kaluluwa. Ang bawat galaw, ngiti't salita niya ang natatanging nagpaikot ng aking mundo. Sa pagdating niya'y bumalik at muling nabuhay ang mga emosyong sa wari ko'y nakahimlay na sa libingang ginawa ko.
Pagkalipas ng ilang buwa'y namunga ng tunay at purong pag-ibig ang butong sa aking puso'y kanyang tinanim. Muli'y naging makulay at punong puno ng ligaya yaring pusong minsan nang nasawi. Naghintay ako na pormal niyang ihayag ang damdaming bumuhay muli sa akin. Araw-gabi'y siya ang hanap ko. Sa pagtulog siya ang laman ng isip. Maging sa panaginip siya'y nasisilip. At sa umaga siya ang unang naiisip. Natuto akong maghintay. Hanggang sa umabot ang puntong sinabi niyang hindi pa siya handa sa ganitong usapin. Masakit ma'y inintindi ko siya. Mahapdi man sa puso'y minahal ko pa rin siya.
Sabi niya'y mahal niya ako. Na ako ang kaisa-isang babaeng gusto niyang makasama habang buhay. Na sabay naming tatahakin ang daan patungo sa maunlad na kinabukasan. Tinanggap ko ang lahat ng mga salita niya. Inukit ko sa puso ko ang bawat melodiyang gawa ng kanyang gitara. Naging masaya ako---ubod ng saya. Hanggang sa dumating ang araw na kailangan niyang pagsisihan ang pagsilang sa kanya!
Tanggap ko na marami siyang babaeng hinahangaan. Na maraming babae ang maganda sa paningin niya. Ngunit ang hindi ko matanggap ay ang kanyang pagtatapat sa isang babaeng nagawa niyang ligawan, pina-ikot niya sa mga salita niya't sa huli'y hindi niya maalayan ng isang relasyon. Ang mismong babaeng aking kinaiingitan. Ang babaeng sigaw ng puso niya. Hindi ko nakayanan ang sakit.Ako'y kanya lamang panakip-butas! Pampalipas oras! Isang laruan sa kanyang paningin.
Hindi magawang ilabas ng aking mga mata ang luha ko mula sa kaibuturan. Namumuhi ako sa kanya. Pinapasok ko siya sa puso ko't inaalay ko ang aking pagkatao, ngunit ano ang ginawa ng walandiyo? Hinamak niya ang puso kong sa tuwina'y nabibigo. Sa isip ko, hindi ko sasayangin ang luha ko sa isang walang kwentang tao. Nilalang na pares sa mga santa-santitang nagtatago sa likod ng rebulto.
Mapapatawad ko siya, Oo. Ngunit, hinding hindi na niya mababalik ang tiwalang ibinigay ko. Hindi ko iiyakan ang pagkabigo kong ito, sa halip ay magpapasalamat ako sa Poong Bathala dahil sa pagtatanggal niya ng isang taong hindi ko naman kailangan sa buhay ko.
Sa kasalukuya'y hapong hapo na ang puso ko sa pagwala sa mga kasinungalingan niya. Mga salita't kilos niyang tila kambal na sampal sa aking pagkatao. Ang bawat pangako niyang pinaniwalaan ko'y isang insulto. Ang lahat ng sinabi niyang ikinasiya ko'y pagpapakita lamang ng pagkawala ng aking respeto sa sarili ko.
Nasaktan na naman ako. Sa wari ba'y hindi ako natututo. Padalos-dalos ang desisyon ko. Sana'y ang pangyayaring ito'y maging isang leksyon sa puso kong unti-unti na namang naging bato.
Pag-ibig niyang Huwad. Hindi totoo sa puso. Ang lahat ng kilos ay pagpapakitang tao. Mahapdi. Nagdurugo ang aking puso ngunit tatanggapin ko. Ako'y babangon at ipapakita ko sa lahat ang bagong 'Ako'.